Naglabas ng P133.09 million ayuda ang Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasakang naapektuhan ng Severe Tropical Storm Crising (Wipha) at habagat.
Kabilang sa mga ibinibigay ng DA ay mga binhi ng palay, mais at gulay mula sa kanilang mga regional offices sa Central Luzon, MIMAROPA, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, at Caraga.
Aktibo na rin ang Quick Response Fund para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.
Maaaring umutang ang mga magsasaka ng hanggang P25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council, na walang interes at babayaran sa loob ng tatlong taon.
Bukod dito ang mga may crop insurance ay makatatanggap din ng bayad-danyos mula sa Philippine Crop Insurance Corporation.
Batay sa inisyal na ulat ng ahensya aabot sa P96.9 million ang pinsala sa pananim, hayop at manok sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, at Western Visayas. Mahigit 4,600 magsasaka rin ang naapektuhan, at higit 2,200 metric tons ang naitalang production loss sa 6,037 ektarya ng sakahan.
Patuloy naman ang field validation, price monitoring, at koordinasyon ng DA sa mga LGU upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta sa mga magsasaka.