Arestado ang isang Pakistani national matapos magbenta ng mga pekeng gamot tulad ng Biogesic, Neozep, Bioflu, Immunpro, Ivermectin, Phenokinon F Injection, Medicol, Planax, Alaxan FR at MX3 na nagkakahalaga ng P30 million sa Paranaque City.
Nahuli ang suspek ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Intelligence Service Armed Forces Of the Philippines (ISAFP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa Bureau of Customs, kaagad dinala sa Paranaque City Prosecutors’ Offic at ininquest ang suspek na nahaharap sa patung patong na kaso violation of Sec. 1401 (Unlawful Importation/Exportation), Sec. 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) paragraph (l) (5) in relation to Sec. 118 (Prohibited Importation and Exportation), violation of Republic Act No. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines and its Pertinent Rules and Regulations).
Sa pahayag ng Food and Drug Administration (FDA) at Unilab Pharmaceuticals, kinumpirma nila na peke ang mga gamot.
Kinilala ang suspek na si Adel Rajput, isang Pakistani national, 31 taong gulang at residente sa Caloocan City.
Nakalagay ang mga pekeng gamot sa isang karton na may Chinese characters.
Ayon kay Raniel Ramiro, Customs Deputy Commissioner of Intelligence Group na nakatanggap sila ng ulat kaugnay sa presensiya ng mga pekeng gamot dahilan para sila ay agad kumilos dahil banta ito sa kalusugan at binibenta nila ang mga nasabing gamot sa mga taong madaling maloko.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbentaryo ng Customs sa mga nakumpiskang gamot.
Una ng sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na siniguro ng mga local pharmaceutical firms na sapat ang kanilang production capacity para magkaroon ng sapat na supply para sa pangangailangan ng mga Filipino lalo ang paracetamol at iba pang mga over-the counter drugs.
Ang pagkakasabat ng mga pekeng gamot ay bunsod sa ulat ng mga netizens dahil sa kakulangan ng supply ng mga gamot sa flu sa mga botika, na naging dahilan sa panic buying at kasagsagan ng pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa.
Dahil sa kakulangan ng mga gamot umalma ang ilang mga kababayan natin lalo na ang mga mahihirap na di kayang bumili ng maramihan.