Nilinaw ng New York State Police na walang Pilipino ang nasawi sa disgrasiya sa tourist bus sa Upstate New York noong Biyernes.
Ayon sa ulat, limang katao ang natukoy na nasawi sa insidente. Kinilala ang mga ito na sina Shankar Kumar Jha, 65, mula Madhu Bani, India; Pinki Changrani, 60, ng East Brunswick, New Jersey; Xie Hongzhuo, 22, mula Beijing, China at estudyante sa Columbia University; Zhang Xiaolan, 55, ng Jersey City, New Jersey; at Jian Mingli, 56, ng Jersey City, New Jersey.
Una rito, may sakay na 54 pasahero at crew ang tourist bus nang bumangga sa Interstate 90 habang pauwi sa New York City galing Niagara Falls.
Dinala ang mga nasugatang pasahero sa apat na ospital sa Buffalo: Erie County Medical Center, Strong Memorial Hospital, Millard Fillmore Suburban Hospital, at United Memorial Medical Center sa Rochester.
Sa ulat ng Erie County Medical Center, 21 pasahero ang dinala sa kanilang ospital; pito ang na-discharge, anim ang nananatiling naka-admit, lima sa Trauma ICU, at tatlo ang inoobserbahan.
Ayon kay Trooper James O’Callaghan ng New York State Police, nakontak na ang lahat ng pamilya ng mga biktima at isasara na ang family reunification center.
Samantala, iniulat ng Philippine Consulate sa New York na wala pa ring Pilipino ang kumpirmadong kabilang sa mga nasugatan, at patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga ospital at pulisya upang tiyakin ito.
Matatandaan noong Sabado, nauna ng kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang ilang Pilipino sa casualties sa malagim na trahediya.