-- Advertisements --

Kinuwestyon ni Davao City Acting Mayor Baste Duterte ang motibo ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa pagbubunyag sa isyu ukol sa maanomalyang pagtatayo ng mga flood control project.

Ito ay sa gitna ng mga serye ng congressional inquiry mula noong binatikos ng pangulo ang mga itinatayong palpak na proyekto, sa kaniyang ika-4 na State of the Nation Address (SONA) nitong huling lingo ng Hulyo.

Giit ni Mayor Baste, kung seryoso at may hawak na ebidensiya ang pangulo, dapat aniyang maghain na siya kaagad ng kaso laban sa mga malalaking kumpaniya at mga personalidad na sangkot sa anomalya.

Naniniwala ang dating presidential son na mistulang pinapalaki lamang ng pangulo ang isyu ukol sa naturang anomalya habang wala aniyang akmang aksyon na ginagawa laban dito.

Dagdag pa ng acting mayor, pinapalabas lamang ng pangulo na may iregularidad o anomalya sa paggamit ng pondo sa mga naturang istraktura upang mapilitan ang mga kumpaniya at mayayamang personalidad na makipag-negosasyon sa kaniya.

Inilutang din ng alkalde ang posibilidad na gusto lamang ng pangulo na kontrolin ang ilang oligarko kaya tuluyang ibinunyag ang anomalya sa mga flood contror infrastructure.

Sa huli aniya, ang grupo rin lang ng pangulo ang nakikinabang.

Sa kabila nito, gumugulong na ang magkahiwalay na imbestigasyon ng Kamara de Representantes at Senado ukol sa naturang anomalya, mahigit tatlong lingo mula noong binuksan ng pangulo ang naturang isyu.