-- Advertisements --

Nilinaw ng Office of the Vice President (OVP) na ang P3.9-milyong halaga ng “laptops” na nakalista sa kanilang 2024 audit report ng Commission on Audit (COA) ay talagang tumutukoy sa 12 donated photocopiers at isang desktop computer, na naitala nang mali dahil sa “oversight in description.”

Ayon sa OVP, ang 12 photocopiers na pinahiram sa opisina mula 2021 hanggang 2022 ay naging donasyon nang matapos ang lease, habang ang desktop computer ay nagkakahalaga ng P92,000 at ginagamit sa video editing. Mali umano ang paglagay ng deskripsyon ng kanilang staff sa summary na isinumite sa COA, kaya nagmukhang “laptops” ang kabuuang halaga.

Nilinaw din ng OVP na ang COA ay nagrekomenda lamang ng pag-aayos sa halaga ng donated photocopiers, na maisasama na sa FY 2025 accounting books, at walang ibang issue sa pondo o procurement.

Bukod dito, may pitong CCTV systems din ang OVP noong 2024 na nagkakahalaga ng P1.48 milyon, para sa seguridad ng Satellite at Extension Offices at Libreng Sakay buses, at lahat umano ay dumaan sa tamang proseso ng procurement.

Ayon sa COA, dapat ang donated photocopiers ay naitala sa kanilang depreciated value, hindi sa original acquisition cost, kaya nagkaroon ng labis na P1.21 milyon sa IT equipment accounts. Inihanda naman ng OVP ang kinakailangang pagwawasto at inayos ang deed of donation template upang ipakita ang fair market value sa hinaharap.(REPORT BY BOMBO JAI)