Aabot sa P3.4 million ang halaga ng mga rapid test kits ang nasabat ng mga otoridad sa isang indibidwal na nananamantala sa pagbebenta ng mga kotranbando sa gitna ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Officer-In-Charge Eric Distor, ang suspek na naaresto sa Cebu City ay kinilalang si Jemuen Cenon, na gumagamit ng Facebook name na Jemskie Cenn para magbenta ng COVID-19 rapid test kits.
Narekober sa kanya ang 134 boxes ng COVID-19 rapid test kits na tinatayang nagkakahalaga ng P3,484,000.
Una rito, nakatanggap daw ang NBI-Central Visayas Regional Office (NBI-CEVRO) na nakabase sa Cebu City ng impormasyon kaugnay ng pagbebenta ng suspek ng rapid test kits kaya’t agad silang nag-set up ng entrapment operation.
Humaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009 na may kaugnayan sa FDA Advisory No.2020-497, 2020-498 at FDA Circular No.2020-016.
Nakasaad sa advisory na ang Anti-body COVID-19 test kits ay para lamang sa medical professional use at hindi ito para sa personal use.
Ang mga rapid test kits din ay kailangang mahigpit na idini-distribute sa mga otorisadong establishments o institutions.
Kailangan din umano ng prescription mula sa lisensiyadong physician mula sa lisensiyadong ospital o drugstore kapag bibili ng rapit test kits.