Nagsimula na ang Department of Transportation (DOTr) sa kanilang mas pinaigting na kampanya laban sa mga indibidwal at grupo na nagsasamantala sa sitwasyon at iligal na nagbebenta ng beep cards online sa mas mataas na presyo.
Nitong araw, personal na iprinisinta kay Transportation Secretary Vince Dizon ang isang babaeng suspek na naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Cybercrime Division dahil sa pagbebenta ng beep cards sa pamamagitan ng online marketplace.
Kinilala ang suspek na si Cateleen Ann Dumondong Manalo. Siya ay naaresto sa isinagawang entrapment operation ng PNP Cybercrime Division sa lungsod ng Pasig. Dahil sa kanyang ginawa, nahaharap si Manalo sa mga kasong paglabag sa Republic Act 8484, na kilala rin bilang Access Devices Regulation Act. Bukod pa rito, nahaharap din siya sa paglabag sa Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act, dahil sa paggamit ng online platform sa kanyang iligal na aktibidad.
Ayon sa imbestigasyon, ang modus operandi ng mga suspek ay ang pag-hoard o pagtatago ng maraming beep cards. Pagkatapos nito, ibinebenta nila ang mga beep cards online sa napakataas na presyo, mula P200 hanggang P300 kada isang piraso. Ang orihinal na presyo ng beep card ay mas mababa kumpara sa kanilang ibinebenta.
Mariing sinabi ni Secretary Dizon na ang pagkahuli ng suspek ay simula pa lamang ng mas pinaigting na crackdown ng DOTr laban sa mga ganitong uri ng aktibidad. Tiniyak din niya sa publiko na hindi titigil ang DOTr sa pagtugis at paghuli sa mga sindikato at mga indibidwal na nang-aabuso at nagsasamantala sa mga commuter, lalo na sa panahon ngayon na limitado ang suplay ng beep cards.