Inilunsad ng Commission on Elections (COMELEC) ang imbestigasyon laban sa tatlong senador at isang lokal na kandidato mula sa Bulacan na umano’y tumanggap ng donasyon para sa pangangampanya mula sa isang kontraktor ng gobyerno noong 2022 elections.
Kinumpirma ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang pag-iimbestiga ngunit hindi muna niya pinangalanan ang mga mambabatas at ang naturang kandidato dahil sa pagiging sensitibo ng kaso.
Ayon kay Garcia, mismong poll body ang nagsimula ng imbestigasyon na inaasahang matatapos sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.
Lumabas ang usapin kasabay ng mga ulat ng iregularidad sa mga flood-control projects na pinopondohan ng pamahalaan, kung saan sinasabing sangkot ang ilang kontraktor na may kaugnayan din sa pangangampanya ng ilang politiko.
Giit ng poll body, mananatili itong mahigpit sa pagpapatupad ng mga batas sa campaign finance at pananagutin ang mga mapapatunayang lumabag.