Mas tumatag daw ang paniniwala ni Senador Francis “Chiz” Escudero sa Commission on Elections (Comelec) matapos ang desisyon ng poll body na nagsasabing walang paglabag sa Omnibus Election Code ang pagtanggap niya ng P30-milyong campaign donation mula kay Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Escudero na dahil sa ruling ng Comelec, lalo pang pinagtibay ang kanyang pangakong maglingkod nang may integridad at pananagutan.
Sinariwa din ng senador na mula nang una siyang tumakbo noong 1998 ay sinikap na niyang sumunod sa lahat ng batas sa halalan dahil ito ang pundasyon ng tiwala ng publiko.
“Since we first ran for public office in 1998, we have worked to consistently comply with our election laws because this is the foundation of public trust,” saad ng senador.
Dagdag niya, pinagtibay ng desisyon ng Comelec ang matagal na raw niyang pinaniniwalaan at isinasabuhay — na mahalaga ang transparency, katapatan, at pagsunod sa mga patakaran, at nanaig ang katotohanan kapag patas ang proseso.
“The Commission on Elections decision affirms what we have always believed and practiced—that transparency, honesty, and adherence to the rules matter, and that the truth prevails when the process is fair,” dagdag ni Escudero.
Inirekomenda ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Comelec ang pagbasura sa imbestigasyon dahil sa kakulangan ng ebidensiyang magpapatunay ng anumang paglabag.
Nagsimula ang kaso matapos aminin ni Escudero na tumanggap siya ng P30-milyong campaign donation mula kay Lubiano, na pangulo ng Centerways Construction—isa sa top 15 government contractors na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng pinakamaraming kontrata para sa flood control projects sa buong bansa.
Sa kabila nito, iginiit ng Comelec-PFAD na walang nakitang indikasyon na lumabag ang senador sa batas ukol sa campaign contributions.
















