Naniniwala ang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na hindi gaanong naimbestigahan ang pagtanggap ni Senator Francis Escudero ng campaign donation mula sa goevernment contractor.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa pagdonate ni Centerways Construction and Development Inc. President Lawrence Lubiano ng P30 million bilang campaign donation kay Escudero, bagay na inamin mismo ni Lubiano sa naunang pagdinig ng Kamara.
Si Lubiano ay isa ring government contractor.
Maalalang sa inilabas na nine-page resolution ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Commission on Elections ay inirekomenda rito ang pagpapatigil na sa imbestigation dahil sa umano’y kawalan ng matibay na ebidensiya na magpapakitang lumabag si Escudero sa Omnibus Election Code.
Pero ayon sa batikang abogado na si Macalintal, maaari sanang nilaliman pa ng komisyon ang moto proprio investigation nito, hindi lamang sa paper trail kungdi maging sa money trail.
Inihalimbawa nito ang posibleng pagpapakita sana ni Lubiano ng ebidensiya sa kung saan niya kinuha ang pera na una niyang tinukoy bilang personal donation.
Dapat din aniyang tukuyin kung naglabas din ang kumpaniya ni Lubiano ng parehong halaga ng pera noong nag-donate si Lubiano, lalo at malaking halaga ang ibinigay sa kampo ng senador.
Binigyang-diin ni Macalintal na sa mga moto proprio investigation ay hindi gaanong malallim ang pagkalkal sa ilang mga kalakip na isyu, tulad ng nangyari sa Comelec.
















