Nasa P289-M pondo ang inilaan ng Philippine National Police (PNP) para sa kanilang procurement na mga body camera na gagamitin sa kanlang mga police operations kabilang na ang operasyon sa iligal na droga.

Ayon kay PNP OIC PLt. Gen. Archie Francsco Gamboa, in-award ang bidding sa EVI Distribution, isang kumpanya sa San Juan sa contract price na mahigit P288-milyon kasama ang taxes, duties, maintenance at data system.

Sinabi ni Gamboa, magsasagawa ang NHQ-Bids and Awards Committee ng assessment ng performance security at final evaluation ng systema bago ilabas ang supply contract at purchase order ngayong taong ito.

Ayon kay Gamboa, ang mga body cameras ay bahagi ng isang buong sistema na nagpapahintulot ng “real time streaming” para sa mas epektibong data control at monitoring ng mga police operations.

Kasama din sa system ang lahat ng connectivity systems, accessories, video management software, computer servers, at data storage para sa mga body cameras.

Magtatayo aniya ang PNP ng National Management and Monitoring Center na konektado sa 17 Regional Monitoring Centers, at 81 Provincial Monitoring Centers (PMCs) at mamandohan ng PNP Information Technology Management Service, para sa pag-monitor ng mga live feed mula sa mga body cameras.

Ang hakbang ay bahagi ng isinusulong ng PNP na “Smart policing” na gamit ang teknolohiya para sa mas mabisa at epektibong pagpapatupad ng misyon ng pulisya.