-- Advertisements --

Isinusulong ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na mabigyan ng ayuda ang mga tertiary students sa mga private higher education institutions (HEIs) na apektado ng COVID-19 crisis.

Tinitiyak ni Salceda, na siya ring co-charman ng Economic Stimulus Cluster ng Defeat COVID-19 Committee, na lahat ay makikinabang sa P455-billion recovery plan nila ngayong taon.

Kabilang na aniya rito ang mga Covid-impacted Tertiary Students sa mga Private HEIs na paglalaanan ng P25 billion.

Ayon kay Salceda, P16 billion ang kukunin mula sa pambansang pondo ngayong taon at P9 billion naman mula sa appropriated funds noong 2019.

Ang ayudang ito ay gagamitin aniya bilang pambayad para sa kanilang tuition sa second semester at iba pang bayarin.

“It’s wrong to insist on having required online classes under these conditions. It’s impractical and unfair to the poor and disadvantaged. I am for mass promotion, and we will try to incentivize schools who do it by giving them an emergency subsidy in place of tuition,” ani Salceda.

Sa ngayon, sinabi ni Salceda na malapit nang magkaroon ng consensus silang mga kongresista at economic managers para sa binabalangkas na economic recovery plan para sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa panukalang kanilang binubuo, P380 billion ang inilalaan para sa mga transitional measures at nasa P75 billion naman para sa financial restructuring, kasama na ang para sa murang pautang at pinaigting na Build, Build, Build program.