Umapela ang Coordinating Council of Private Educational Associations (Cocopea) kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na repasuhin ang blanket authority ng Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary para magdeklara ng class suspension sa panahon ng kalamidad.
Katwiran ng grupo, ang ‘blanket and automatic orders’ na inilalabas ni Interior Secretary Jonvic Remulla para sa pagdedeklara ng class suspension, ay nagiging balakid sa nakakahadlang sa preparasyon ng bawat eskwelahan, sumisira sa katatagan ng school communities, at nagpapahina sa edukasyon ng mga estudyante.
Tinatanggalan din nito ng karapatan ang mga school administrator para sa academic judgement ukol sa mga isyung nakaka-apekto sa pagkatoto ng mga estudyante.
Kabilang dito ang mga pagdedesisyon para sa bilang ng school days sa kabuuan ng school year, major examination, at ang overall development ng mga estudyante.
Katwiran ng grupo, dapat ay mabigyan ang mga school administrator ng sapat na flexibility para makapag-desisyon kung sususpindihin ba ang klase at pasok sa trabaho, o pumasok na lamang sa online, atbpang mode ng pag-aaral.
Ayon sa grupo, ito ay ibabatay pa rin sa kanilang sariling evaluation sa kasalukuyang sitwasyon.
Inihayag din ng grupo ang pagiging bukas nito para makipag-collaborate sa mga lokal na pamahalaan, DILG, at sa Department of Education para sa pagpapabuti ng sektor ng edukasyon.
Unang iginawad ni Pang. Marcos ang blanket authority kay Sec. Remulla para sa pagdedeklara ng class suspension sa bansa. Huling nagdeklara ng class at work suspension ang kalihim nitong araw ng Lunes (Sept 1) sa Metro Manila atbpang probinsya, dahil sa pinangangambahang malawakang pag-ulan.