Binulabog ng kilos protesta ng mga biktima ng baha, kasama ang ilang environmental at progressive groups ang compound ng pamilya Discaya sa Pasig City.
Sa gitna ng sigaw para sa hustisya, hinagisan ng putik at pintura ang gate ng Discaya compound bilang simbolikong pagkondena sa umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Bitbit ang mga plakard, megaphone, at banner, pininturahan ng mga demonstrador ang gate ng St. Gerrard Construction, isa sa mga kumpanyang pag-aari ng pamilya Discaya.
Ilan sa kanila ay nagbato ng paint-filled balloons habang nananawagan ng pananagutan sa mga contractor na sangkot sa mga substandard na proyekto.
Ang kilos-protesta ay isinagawa kasunod ng desisyong bawiin ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng siyam na kompanyang konektado kay Sarah Discaya, matapos aminin sa Senado ang sabayang paglahok ng mga ito sa bidding ng mga proyekto ng gobyerno.
Ayon sa abogado ng pamilya Discaya, maghahain sila ng reklamong kriminal laban sa mga organizer ng protesta dahil sa vandalism at paninira ng ari-arian.
Ang insidente ay bahagi ng mas malawak na panawagan para sa transparency, accountability, at reporma sa sistema ng public infrastructure procurement sa bansa.