Minadali ng tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang agarang pagpapalabas ng P2.5 milyong cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinamumunuan ni Sec. Rex Gatchalian para sa may 125 pamilyang nasunugan sa Barangay 58 sa Tondo, Manila noong Hunyo 16.
Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng P20,000 mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD, ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada, Jr.
Sinabi ni Gabonada na nagdala rin ang Office of the Speaker kasama si Tingog Party-list Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre ng 400 food packs para sa mga biktima. Ang pondong ginamit dito ay mula sa personal calamity funds ng mga mambabatas.
Nakatuwang sa pamimigay ng cash assistance at food packs ang tanggapan ni Manila 1st District Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr.
Iginiit ng Office of Speaker Romualdez ang kahalagahan ng agarang pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan upang malimitahan ang epekto sa kanila ng pangyayari.
Nagpasalamat naman si Dionisio sa pagmamalasakit sa mga biktima ng sunog sa kanyang distrito.
Ayon kay Gabonada patuloy na babantayan ng Office of Speaker Romualdez at Tingog Partylist ang sitwasyon sa lugar upang matiyak na makukuha ng mga biktima ng sunog ang kinakailangang tulong.