Magbibigay ang Singapore Red Cross ng 50,000 Singaporean dollar o katumbas ng P2.2 million bilang suporta sa patuloy na relief operations ng Pilipinas sa mga biktima ng lindol sa northern Cebu na kumitil na ng nasa 68.
Saklaw sa naturang assistance ang agarang pangangailangang medikal ng mga apektadong residente kabilang ang water sanitation at hygiene at mental health support gayundin ang psychosocial support activities ng counterpart nito na Philippine Red Cross.
Sa isang statement, sinabi ng SRC na nakikipag-usap na sila sa iba pa nilang partners na nasa ground para magpadala ng prepositioned water filters sa mga apektadong komunidad.
Gayundin, masusing nakaantabay ang kanilang local humanitarian partners kabilang ang PRC para matiyak na direktang matugunan ng mga ibinigay na assistance ang higit na pangangailangan sa ground. Naka-monitor din ang kanilang disaster surveillance team sa bagyong Paolo na nag-landfall kaninang umaga.
Inihayag naman ni SRC secretary general at CEO Benjamin William na layunin ng kanilang ibibigay na tulong na makapaghatid ng kagyat na assistance para matiyak na agad matutugunan ang mahahalagang pangangailangan at nagpahayag din ng pakikiisa sa Pilipinas at naapektuhang komunidad sa gitna ng kanilang kinakaharap na mga hamon kasunod ng tumamang malakas na lindol.