-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Air Force (PAF) na hindi maaantala ang kanilang mga isinasagawang relief operations sa kabila ng naging pagbagsak ng isa sa apat na Super Huey helicopters ng hukbo dahilan para pansamantalang ma-ground ang naturang yunit ng helicopter habang nagppatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay PAF Spokesperson Col. Ma. Christina Basco, maliban sa mga Super Huey aircrafts ay nakahanda rin ang iba pa nilang assets gaya ng Blackhawks at SOKOL para maghatid ng assistance sa mga apektado ng kalamidad.

Gamit ang mga naturang aircrafts, nagpapatuloy ang kanilang mga operasyon kung saan binigyang diin din ni Basco ang limang bagong dagdag na mga helicopters dahilan para magkaroon ng kabuuang bilang na 35 blackhawks helicopters ang PAF sa kanilang inventory.

Nanindigan rin ang PAF na ang kanilang hanay ay patuloy na magbibigay ng tulong kung saan maliban sa blackhawks ay inihahanda na rin ang C130 maging ang C295 para magbigay ng karagdagang tulong sa hukbo para sa kanilang isinasagawang humanitarian assitance.

Sa kabila naman ng nakakalungkot na balita at pagpanaw ng anim na miyembro ng mga first responders ng hukbo, siniguro ni Basco na patuloy nilang gagampanan at tutuparin ang kanilang mandato para makapaghatid ng tulong sa mga apektadong residente.

Samantala, nakatakda namang dalhin sa headquarters ng PAF sa Villamor Airbase ang mga labi ng mga nasawing crew na lulan ng Super Huey helicopter habang nagpapatuloy naman na nakaantabay ang kanilang himpilan para sa resulta ng forensics examination para sa pagkakakilanlan ng mga biktima.