CENTRAL MINDANAO – Patay nang manlaban sa mga otoridad ang isang drug surrenderee sa syudad ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Tohami Camsa,residente ng Biniruan Road, Brgy Poblacion 9, Cotabato City.

Ayon kay Cotabato City Police director Col. Richard Fiesta, nagsagawa sila ng drug buy bust operation malapit sa tahanan ng suspek katuwang ang intelligence unit ng Philippine marines at PNP Drug Enforcement Group 9.

Akto na sanang iaabot ng suspek ang shabu sa asset ng PNP ngunit natunugan nito na mga otoridad ang kanyang ka-transaksyon.

Mabilis na tumakas si Camsa lulan ng kanyang motorsiklo at nakipagbarilan sa pulisya.

Napatay ang suspek nang habulin ito ng mga pulis at naabutan sa gilid ng kalsada.

Narekober sa posisyon ni Kamsa ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon base sa drug market value, isang kalibre .45 na pistola, isang motorsiklo at mga personal na kagamitan.

Sa ngayon ay pinaigting pa ng Cotabato City PNP ang kampanya laban sa pinagbabawal na droga.