Tinawag ng Malakanyang na diversionary tactic ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang pagiging frontrunner niya sa 2028 presidential race ang dahilan ng pagpuntirya sa kanya ng administrasyon.
Reaksyon ito ng Palasyo matapos sabihin ni VP Sara na nais ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na manatili sa kapangyarihan kaya isinulong ang impeachment case laban sa kanya.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na iyon ang nais maging naratibo ng bise presidente.
Pero ang totoo anya ay nililihis nito ang isyu patungkol sa kanyang accountability sa confidential funds at iba pang reklamong nakapaloob sa articles of impeachment.
Kaya naman hamon ni Castro sa bise presidente, sagutin ang mga alegasyon at huwag magtago sa naratibo.
” Siguro iyan po ang nais niyang maging naratibo, ipakita sa taumbayan pero nawawala po iyong issue patungkol sa kaniyang accountability tungkol sa confidential funds at iba’t iba pang mga complaints na napapaloob sa articles of impeachment. Siguro po, nais din po nating malaman ang katotohanan at huwag lamang pong magtago sa naratibo na siya iyong frontrunner para sa 2028 presidential election.At sabi nga natin, kapag ikaw ay taong-gobyerno at public servant ka, obligasyon mo na ipakita lahat at sagutin ang mga isyu na kakapalooban o na kakasangkutan mo. So, ini-expect po natin iyan kay VP Sara dahil talagang mukhang diversionary tactic po ito,” pahayag ni USec. Claire Castro.