Mahaharap na sa administrative sanction ang mga government official na mapapatunayang magdi-discriminate laban sa mga ‘persons living with human immunodeficiency virus (PLHIV)’ o mga taong dumaranas ng HIV.
Inilabas ng Civil Service Commission (CSC) ang bagong resolusyon na naglalaman ng mga administrative disciplinary action na maaaring kaharapin ng mga empleyado o opisyal ng gobiyerno na matutukoy na gagawa ng naturang diskriminasyon.
Kabilang sa mga discriminatory practices na tinukoy ng CSC ay ang pagbabawal sa mga indibidwal na pinaghihinalaang may HIV para bumiyahe, pumili ng nais matitirhan, pagbabawal sa kaniya upang magtrabaho sa public office, at pambubully sa kaniya dahil sa kinakaharap na medical condition.
Kabilang din dito ang pagbabawal sa mga HIV patients na makapag-avail ng sapat at akmang credit at insurance services at burial service.
Ayon sa CSC, ang mga bagong panuntunan ay epektibo para sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan mula sa national government agencies at regional at provincial office ng mga ito, at local government units.
Saklaw din dito ang mga empleyado at opisyal ng state colleges and universities, at mga government-owned and controlled corporations na may original charter.
Nakasaad pa sa naturang resolusyon na lahat ng mga reklamo ukol sa kahalintulad na diskriminasyon ay tutugunan at reresolbahin salig sa itinatakda ng 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, na nagtatakda ng mga panuntunan para sa lahat ng disciplinary at non-disciplinary administrative cases na inilalapit sa Civil Service.