-- Advertisements --

Gulat at hindi pa rin inaasahan ng isang 23-anyos na Cebuana na makapasok sa Topnotcher list sa inilabas na resulta ng 2025 Licensure Examination for Professional Teachers.

Si Christel De los Reyes na tubong Argao, Cebu at nagtapos sa Cebu Normal University bilang Summa Cum Laude ay siyang Topnotcher matapos nakakuha ito ng 93.80% rating.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Delos Reyes, inihayag nito na isa umanong banal na senyales ang kanyang tagumpay na nakamit.

Aniya, bago pa man ang naturang pagsusulit ay hiniling umano nito sa Poong Maykapal ang mga posibleng “Holy Signs” sa kanyang landas na tinatahak.

Sinabi pa ng dalaga, na dininig na umano ng Diyos ang isa sa kaniyang mga hiniling noon nakaraang taon na kung saan ay naging TOP 1 Summa Cum Laude ito sa buong unibersidad.

Mangha na ikinuwento din ng dalaga na sa mismong araw ng room assignment nito ay laking gulat na ang room at seat number nito na 07-20 ay magkapareho sa araw ng kanyang kapanganakan na July, 20.

Dagdag pa, na isang araw bago ang naturang pagsusulit ay taimtim itong nagdasal at humiling na makakita ng isang dilaw na bulaklak at agad naman itong binigay ng Diyos sa kanya.

Kung kaya’t malaking bagay din aniya ang taimtim na panalangin at matibay na pananampalataya sa Diyos lalo na sa panahon ng hamon at problema.

Payo naman nito sa mga gustong mapabilang sa Topnotcher List na ibigay ang lahat ng makakaya dahil sa pangarap na inaasam at gustong maging.