-- Advertisements --

Inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) na magbibigay ito ng Overseas Filipino Workers–Preference Rating (OFW-PR) sa mga kwalipikadong overseas Filipino workers (OFWs) bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at sakripisyo.

Batay sa CSC Resolution No. 2600596, ang mga OFW na makakakuha ng general rating na hindi bababa sa 70.00 sa civil service examination ay maaaring mabigyan ng dagdag na puntos, alinsunod sa mga alituntunin ng komisyon.

Ipapatupad ang bagong polisiya simula sa August 9, 2026 Civil Service Examination.

Ayon sa CSC, layunin ng hakbang na kilalanin ang dedikasyon, professionalism, at sakripisyo ng mga OFW, at bigyan sila ng mas maraming pagkakataon na makapasok sa serbisyo publiko bilang “Lingkod Bayani.”

Kabilang sa mga kwalipikado ang:

  • Mga OFW na kasalukuyan, dati, o planong magtrabaho sa ibang bansam
  • Mga OFW na may hindi bababa sa 5 taong overseas employment mula 2000 hanggang ngayon, tuloy-tuloy man o putol-putol
  • Mga OFW na kumuha ng civil service exam simula August 9, 2026 at nakakuha ng rating na hindi bababa sa 70.00

Maaari ring mag-apply ang mga OFW na may kontrata na pero hindi pa umaalis ng bansa.

Ayon sa CSC, maaaring mag-apply ang mga kwalipikado sa alinmang uri ng trabaho, bansa, o antas ng sahod sa abroad.