Hindi maipaliwanag ang naramdaman ng isang Cebuana matapos mapabilang sa Top 10 ang kanyang pangalan sa inilabas na resulta ng 2025 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT).
Nag-rank 3 si Christine Ese Perez na nagtapos sa Cebu Normal University sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education major in English kung saan nakakuha ito ng 94.40% rating.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Perez, inihayag nito na hindi niya ito inaasahan dahil ang tanging hangad lamang niya ay ang makapasa sa pagsusulit.
Ibinunyag pa ng 23 anyos na noong nasa kolehiyo pa siya ay marami na siyang backlogs at inaming napabayaan niya ang kanyang pag-aaral, dahilan upang kinakailangan niyang balikan ang ilang asignatura upang makapasa.
Upang bumawi sa mga pagkukulang, pinanghawakan ng dalaga ang mga inaasahan ng kanyang mga magulang, gayundin ang kanilang pawis at sakripisyo para sa kanyang magandang kinabukasan.
Ayon pa kay Perez, bagama’t nakaranas ng kahirapang pinansyal ang kanyang pamilya sa kasagsagan ng kanyang pagreview, hindi umano sukatan ang kahirapan upang talikuran ang pangarap.
Samantala, bilang gabay sa kanyang pagsusulit, sinabi niyang binisita niya ang iba’t ibang simbahan at humingi ng tulong sa mga Santo upang dinggin ang kanyang panalangin na bigyang-linaw ang kanyang puso at isipan sa araw ng pagsusulit.
Hinikayat naman nito ang mga estudyante at mga kukuha ng pagsusulit na mag-relaks, i-enjoy ang pagreview, at huwag matakot na magkamali sapagkat ito ang susi sa pagkatuto at pag-unlad sa buhay.
















