Aabot sa P10 billion ang kakailanganin ng National Food Authority (NFA) para matulungan ang mga lokal na magsasaka mula sa negatibong epekto ng Rice Tariffication Law (RTL), ayon sa Makabayan bloc.
Ito ay matapos na atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang NFA na bilhin ang inaning palay ng mga magsasaka, subalit hindi naman naglaan ng pondo para rito.
Sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na P10 billion ang kailangan na ibigay sa NFA para mabili nito ang palay ng mga magsasaka sa halagang P20 kada kilo, at para maibenta naman ito sa merkado ng P27 kada kilo.
Nauna nang sinabi ni Sec. William Dar sa mga kongresista sa budget hearing sa proposed P71.8 billion budget ng Department of Agriculture para sa susunod na taon, na ikinokonsidera na ng pamahalaan ang pagkakaroon ng joint resolution para sa release ng pondo para sa NFA.
Kung maaalala, kamakailan lang ay napaulat na bumagsak ang presyo ng palay sa ilang lugar sa Luzon ng hanggang P7 kada kilo dahil na rin sa pagdami naman ng pumapasok na imported na bigas.