Humihirit ang mga grupo ng transportasyon ng P1 na provisional fare hike o taas pasahe para mapagaan ang pasanin ng mga tsuper ng dyip sa gitna ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Kaugnay nito, sinabi ni Pasang Masda President Obet Martin na pinaplano nilang maghain ng mosyon ngayong linggo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ipatupad ang pisong provisional fare hike na kanilang itinutulak noon pang Hunyo nang sumipa ng hanggang P5 kada litro ang presyo ng diesel dahil sa conflict sa pagitan ng Israel at Iran.
Subalit hindi inaprubahan ang kanilang kahilingan kasunod ng paghupa na ng tensiyon matapos ipatupad ang ceasefire.
Saad pa ng ng transport leader na sinabi ni Transportation Sec. Vince Dizon na magiging normal na ang presyo ng langis kayat hindi na kailangan pang maghain ng petisyon para sa taas pasahe at fuel subsidy, dahilan kaya sila sumunod subalit muli naman aniyang nagtaas ang presyo ng diesel nitong linggo.
Daing tuloy ng Pasang Masda president na ang naiuuwi na lamang ng mga tsuper ng dyip ay nasa P300 hanggang P400 kada araw dahil sa taas ng presyo ng langis at spare parts.
Samantala, inihayag naman ng grupong PISTON na hindi sila sasama sa ibang transport groups na hihingi ng taas pasahe bilang konsiderasyon sa mga komyuter.