-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matibay na pangako ng Pilipinas na makipagtulungan sa mga internasyonal na organisasyon upang labanan ang plastic pollution gamit ang makabagong teknolohiya.

Sa ginanap na International High-Level Forum na pinangunahan ng International Atomic Energy Agency (IAEA) para sa NUTEC Plastics sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na ang plastic pollution ay isang pandaigdigang suliranin na nakaaapekto sa kalikasan, kalusugan, suplay ng pagkain, at pamumuhay ng mga komunidad.

Ipinagmalaki ni Marcos Jr. na suportado ng Pilipinas ang NUTEC Plastics Initiative, na aniya’y nagpapakita kung paano maaaring gamitin ang advanced nuclear technology upang gawing kapaki-pakinabang ang plastic waste. 

Binanggit niya ang PREx Project ng DOST–PNRI at Envirotech, na nagko-convert ng low-value plastic waste sa matibay at commercial materials.

Itinampok din ng Pangulo ang PREx Prototype House, na aniya’y simbolo ng hinaharap ng circular economy, at ang marine microplastics monitoring laboratory ng UP-MSI na tumutulong sa mas eksaktong pagsusuri ng polusyon sa karagatan.

Inanunsyo rin niya ang paglulunsad ng NUTEC Plastics Investment and Partnership Brochure para hikayatin ang mas maraming puhunan sa nuclear science para sa environmental protection.

Pinagtibay ng Pangulo ang dedikasyon ng bansa sa scientific cooperation, kabilang ang pagpasa ng Philippine Nuclear Law.

Plano din ni Pangulong Marcos na palawakin ang nuclear science initiatives sa ASEAN pagdating ng 2026 chairship ng Pilipinas.

Sinabi ng Pangulo na ang tunay na progreso ay nakukuha sa pagtutulungan ng mga bansa.