-- Advertisements --

Bumagsak ang halaga ng piso sa P60.4 kada dolyar nitong araw ng Huwebes, Marso 19, ang pinakamahinang antas na naitala sa kasaysayan.

Ito ay dulot ng biglaang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan kasunod ng tumitinding tensyon at labanan sa Middle East.

Umabot sa mahigit $108 kada bariles ang presyo ng krudo matapos tamaan ang isang gas field ng Iran.

Nagbabala pa ang Iran na maaari nitong targetin ang mga pasilidad ng langis at gas sa mga karatig-bansa tulad ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, at Qatar.

Ayon sa mga ekonomista, ang pagtaas ng presyo ng langis ay maaaring magdulot ng mas mataas na inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at posibleng makapagpabagal sa ekonomiya.

Sa pagtataya ng Department of Economy, Planning, and Development (DepDev), maaaring lumampas sa 7% ang inflation kung magpapatuloy ang tensyon sa rehiyon.

Dahil dito, pinag-aaralan ng pamahalaan ang pansamantalang pagtanggal ng excise tax sa produktong petrolyo upang mapababa ang presyo ng gasolina at diesel. Posibleng bumaba ng hanggang P10 kada litro ang gasolina at P6 naman sa diesel kung ito ay maipapatupad.