Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pamamahagi ng tulong sa mga mangingisdang nagtutungo sa West Philippine Sea (WPS) na labis na apektado sa mga serye ng bigtime oil price hike.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab dinalhan na ng iba’t-ibang supplies ang mga mangingisda sa WPS, gamit ang ilang PCG vessel.
Isinagawa ang mission habang kasalukuyang nangingisda ang mga ito sa kahabaan ng WPS kung saan dinalhan ang mga ito ng food supplies, non-food items, at ilang produktong petrolyo.
Kabilang sa mga naunang nabigyan ng tulong ang ang mga mangisngisda sa Capon Grande, Zambales, at mga mangingisdang nagtutungo sa iba pang maritime features sa pinag-aagawang karagatan.
Magpapatuloy ito sa mga susunod na araw, ayon kay Cayabyab, kung saan inatasan na ni PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan, ang lahat ng coast guard stations na tumulong sa pamamahagi ng tulong sa ilalim ng Intensified Community Assistance Awareness Rescue and Enforcement (iCARE) Program.
Sa ilalim nito, naatasan ang 16 regional district ng PCG sa buong bansa na tumulong sa pamamahagi ng tulong, alinsunod na rin sa program ng mother agency nito na Department of Transportation (DOTr), ang ahensiyang nangunguna sa fuel subsidy program para sa sektor ng transportasyon.
















