Nakahanda ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa inaasahang tigil-pasada ng mga grupong Piston at Manibela ngayong linggo.
Ayon sa MMDA, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila upang matiyak na mababawasan ang abala sa mga pasahero.
Tiniyak din nila na mananatiling normal ang deployment ng kanilang mga tauhan at may nakahandang mga sasakyan na maaaring gamitin kung kakailanganin.
Sa inilabas na anunsyo, magsasagawa ang Piston ng nationwide transport strike sa Huwebes, September 18, bilang protesta laban sa umano’y katiwalian, partikular sa mga iregularidad sa flood-control projects ng pamahalaan.
Samantala, inanunsyo rin ng grupong Manibela na magsasagawa sila ng tatlong araw na nationwide transport strike mula September 17 hanggang 19, para ipahayag ang kanilang pagkondena sa parehong isyu.