-- Advertisements --

Inanunsyo ng Department of Justice ang pagbibigay pabuya sa kung sino man makapagtuturo ng lokasyon ni Cassandra Li Ong.

Ayon mismo kay Justice Acting Secretary Vida, tatanggap ng halagang isang milyon piso ang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Ong.

Ito aniya’y pinaglaanan ng pondo ng DOJ para lamang mapanagot at maiharap sa korte ang naturang pugante at akusado sa kasong ‘qualified human trafficking’.

Isa si Ong sa mga naisyuhan ng kanselasyon ng pasaporte buhat ng maglabas ng kautusan ang Pasig Regional Trial Court nito lamang.

Kapwa niya akusado si Atty. Harry Roque kaugnay sa kanilang pagkakasangkot sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operations sa Porac, Pampanga.

Paliwanag ng DOJ kung bakit kinakailangan pa itong gawin ay sa kadahilanang may kakayanan si Ong na magpalipat lipat ng lokasyon.

“Batid naman po natin sa nakalipas ay may kakayanan sila, may kakayanan na umikot, gumalaw, makalabas at makapasok ng Pilipinas na hindi natutukoy ng ating mga [pamahalaan], ani Justice Acting Secretary Fredderick Vida.