Aabot sa P1.86 billion ang kakailanganin para sa pagsasaayos ng mga nasirang mga silid-aralan bunsod ng iniwang malawak na pinsala ng nagdaang bagyong Tino at shearline, ayon sa Department of Education (DepEd).
Base sa pinakabagong situational report na inilabas ngayong Sabado, Nobiyembre 8, umabot sa mahigit 2,000 silid-aralan ang nagtamo ng minor damage, 806 silid-aralan ang may malaking pinsala habang 391 silid-aralan naman ang lubos na nasira.
Sa pagtaya ng ahensiya, nasa P49,000 ang halaga ng pinsala sa bawat silid-aralang nagtamo ng minor damaged, kayat sa kabuuan nasa P1.86 billion ang halaga ng minor repairs.
Nakaantala naman sa mga klase sa mahigit 3,000 pampublikong paaralan mula sa limang rehiyon.
Apektado naman ng pinagsamang epekto ng naturang mga kalamidad ang halos dalawang milyong mag-aaral at mahigit 79,000 education personnel, na nagbunsod sa pansamantalang paglipat sa Flexible Learning program para mapanatili ang pagpapatuloy ng edukasyon.
Mayroon ding mahigit 400 paaralan sa 7 rehiyon ang ginagamit bilang evacuation centers o mahigit 2,000 silid-aralang ginagamit bilang temporary shelter ng mga inilikas na residente.
Sa kabila naman ng pinsala, tiniyak ng DepEd na mananatiling prayoridad nito ang kaligtasan ng mga estudyante at pagsasaayos ng mga paaralan.
















