CAUAYAN CITY – Magbibigay ng tulong pinansyal at scholarship ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-Region 2 sa anak ng overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa Kuwait.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni OWWA-Region 2 officer-in-charge Luzviminda Tumaliuan na ibibigay nila ngayong araw sa pagdating ng labi ng OFW na si Ma. Constancia Dayag sa Angadanan, Isabela ang financial assistance na P100,000 sa iniwang pamilya.

Bukod aniya rito ay pagkakalooban ng OWWA ng educational assistance ang bunsong anak ni Dayag.

Magbibigay din ng livelihood assistance ang ahensya sa iba pang anak ng Pinay worker.

Ibibigay din ang death claim at financial assistance ng OWWA Manila sa pamilya ng biktima.