Lumapit sa pamahalaan ang pamilya ng dalawang overseas Filipino worker mula Visayas na kasalukuyang nasa Iran upang makahingi ng tulong para tuluyang makauwi ang mga ito dito sa Pilipinas.
Batay sa report ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang isa sa mga ito ay mula sa Cebu habang ang isa pa ay mula sa Siquijor.
Hiniling ng pamilya ng dalawa sa OWWA Central Visayas na tulungan ang kanilang kaanak na makauwi na sa Pilipinas dahil nananatili pa rin ang tensyon sa Iran kung saan kasalukuyang nagtatrabaho ang mga ito.
Tiniyak naman ng OWWA ang pagtugon sa kahilingan ng dalawang pamilya at tuluyang pagpapabalik ng ligtas sa dalawang Pinoy worker.
Sa kasalukuyan, mayroong 22 OFW mula sa Central Visayas kung saan 13 dito ay mula sa probinsya ng Cebu habang dalawa ay mula sa Siquijor.
Batay sa datus ng pamahalaan, aabot sa 1,200 Pinoy ang kasalukuyang nasa Iran.
Nitong weekend, anim na Pinoy workers ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas matapos ang matagumpay na repatriation sa kanila sa tulong ng Philippine Embassy in Tehran, Department of Migrant Workers, at OWWA.