Lumalabas na mayroong kabuuang 335 na security personnel ang tanggapan ni Vice President Sara Duterte na mula sa gobyerno na naka-payroll pa rin sa kabila pa ng naunang mga pahayag niya na mag-avail ng private services para sa kaniyang seguridad.
Ilan sa mga ito ay kasa-kasama ni VP Sara sa kaniyang mga biyahe sa ibang bansa, base sa ulat ng Commission on Audit (COA) sa spending ng Office of the Vice President (OVP) noong 2024.
Subalit, inihayag din ng COA na mas mababa ang security detail ng Bise Presidente noong 2024 kung ikukumpara sa 433 personnel na bumubuo sa Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) noong simula ng kaniyang termino noong 2022.
Maliban sa payroll para sa kaniyang mga security personnel, gumastos din ng OVP ng P5.020 million bilang donasyon ng mga motorsiklo sa VP Security and Protection Group.
Gayundin, ayon sa COA, nag-donate ang OVP ng mga sasakyan sa dalawang eskwelahan sa elementarya subalit nadiskubre kalaunan na hindi nagagamit.
Una ng pinuna ng COA sa annual report nito ang P3.4 million na ginastos ng OVP para sa livelihood program nito na “Mag Negosyo Ta Day.” Partikular na pinuna ng state auditors ang hindi masusing pag-aaral sa feasibility o economic viability ng kanilang panukalang proyekto.
Nitong Lunes, lumipad patungong The Hague, Netherlands si VP Sara para tignan ang kalagayan ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na naibasura ang apelang interim release noong Nobiyembre 28
















