Handa ang Office of the Vice President (OVP) na depensahan ang posibleng pagtaas ng kanilang budget na aabot sa P903 milyon para sa 2026, kahit na may mga grupong nagbabalak kuwestyunin ito sa nakatakdang budget deliberations.
Ayon kay OVP spokesperson Ruth Castelo, maayos na nakadokumento at malinaw ang lahat ng programa ng OVP kaya’t handa ang kanilang mga tauhan na ipaliwanag at ipagtanggol ang pondo.
Dagdag niya, bukas ang OVP sa anumang pagdaragdag ng budget na maaaring ipagkaloob ng Kongreso. Batay sa Department of Budget and Management, tataas sa P903 milyon ang pondo ng OVP para sa 2026 mula sa P733 milyon noong 2025. Gagamitin ang karagdagang pondo para sa suweldo at pagpapahusay ng information technology infrastructure ng tanggapan.
Samantala, nagpahayag ang Makabayan bloc ng intensyon na busisiin ang budget ng OVP, iginiit na nais nilang patunayan ng pangalawang pangulo ang kanyang pagiging inosente sa isinasagawang impeachment proceedings.
Muling iginiit ni Castelo na tatlong magkakasunod na taon — mula 2022 hanggang 2024 — ay nakatanggap ng unmodified audit opinion mula sa Commission on Audit (COA) ang OVP, na nagpapakitang maayos ang lahat ng kanilang financial statements at transaksiyon.
Sa lahat aniya ng mahalagang aspeto, nakita ng COA na maayos ang paggastos ng pondo, maayos ang dokumentasyon, at walang naging problema. (Report by Bombo Jai)