Nanawagan si House Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V sa Department of Tourism (DOT) na magpakita ng konkretong resulta sa paglikha ng trabaho at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya, sa kabila ng umano’y kakulangan ng ahensya sa paghatid ng tunay na benepisyo, sa kabila ng malaking pondo nito at malawakang promotional campaign.
Ayon kay Ortega, malinaw man ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa trabaho at pananagutan ng mga ahensya ng gobyerno, marami pa ring dapat patunayan ang DOT—lalo na matapos ang sunod-sunod na bagyong nagdulot ng matinding pinsala sa La Union at iba pang lugar na dinarayo ng turista.
Ayon pa sa kongresista, ang hindi pagkakasama ng DOT sa ika-apat na SONA ng Pangulo ay nagpapakita na kailangan nitong pagbutihin ang trabaho at magpakita ng malinaw na pag-unlad na makakatulong sa pagbangon ng bansa.
Sa kabila ng matinding promosyon sa pandaigdigang merkado at magastos na rebranding campaign, patuloy na naiiwan ang Pilipinas sa likod ng mga karatig-bansa sa ASEAN pagdating sa dami ng turistang bumibuaita at sa pagbangon mula sa pandemya.
Noong 2024, naitala lamang sa 5.95 milyon ang tourist arrivals sa bansa—malayo sa pre-pandemic peak na 8.26 milyon noong 2019.
Samantala, tumanggap ang Thailand ng 35.5 milyong turista, Malaysia ng 25 milyon, Vietnam ng 15.5 milyon, Indonesia ng 13.9 milyon, at Cambodia ng 6.7 milyon.
Maging sa kita mula sa turismo ay naiwan din ang Pilipinas. Bagama’t iniulat ng DOT na umabot sa P760.5 bilyon o tinatayang $13.1 bilyon ang kita noong nakaraang taon, malayo ito sa $39 bilyon ng Thailand at $16 bilyon ng Vietnam.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 9% ng gross domestic product (GDP) ng bansa ang galing sa turismo at sumusuporta ito sa mahigit 5 milyong trabaho.
Nagbabala si Ortega na kung hindi maghahatid ng konkretong resulta ang DOT—lalo na sa antas ng komunidad—mananatiling hindi pantay at kulang ang pagbangon ng sektor.
Nanawagan si Ortega kay Tourism Secretary Christina Frasco na muling suriin ang estratehiya ng ahensya upang matiyak na makikinabang sa recovery efforts ang maliliit na negosyo, lokal na manggagawa, at mga komunidad na higit na nangangailangan.