-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Positibo ang tourism office ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na maabot ang targeted tourist arrival na 2 milyon sa pagtapos ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office, hanggang noong Nobyembre 21 ay nakatala na ang kanilang tanggapan ng nasa 1.8 milyon tourist arrival mula noong buwan ng Enero.

Aniya, inaasahan ang pagdagsa ng mga turista sa Boracay sa pagpasok ng Disyembre kung saan, hindi aniya sila nabibigo tuwing sasapit ang holiday season hanggang sa New Year’s eve dahil sa hindi mahulugang karayom ang bilang ng mga bakasyunista na isla sinasalubong ang Baong Taon.

Samantala, dahil sa sunod-sunod na tumama na bagyo sa bansa, bumaba ng nasa 6 percent ang tourist arrival sa pamosong isla sa unang dalawang lingo ng kasalukuyang buwan.

Ayon kay Licerio, nakatala lamang ang kanilang tanggapan ng nasa 67,238 tourist arrival mula Nobyembre 1 hanggang 15, 2025.

Sa nasabing bilang, 53,816 ang domestic tourist; 1,035 ang overseas Filipinos, at 12,387 naman ang foreign tourist.

Gayunpaman, umaasa sila na madagdagan ang nasabing bilang bago matapos ang buwan ng Nobyembre.

Sa kasalukuyan aniya ay nagpapatuloy ang iba’t ibang activities sa Boracay at buhay na buhay ang isla pagsapit ng gabi dahil sa kaliwa’t kanang kasiyahan sa front beach.