-- Advertisements --

Pinalakas ng Department of Tourism (DOT) ang pakikipag-ugnayan nito sa mga lider ng aviation at travel industry ng Saudi Arabia upang mapalawak ang air connectivity at mas mapalakas ang presensiya ng Pilipinas sa isa sa pinakamabilis lumago na outbound tourism market sa Middle East.

Pinangunahan ni Tourism Undersecretary Verna Buensuceso ang delegasyon ng Pilipinas sa magkakahiwalay na pagpupulong kasama sina Saudia Airlines General Manager Abdulrahman Alabdulwahab at Riyadh Air Vice President Wolfgang Reuss, kung saan tinalakay ang mga bagong flight routes, pagpapalawak ng kapasidad, at mga joint promotional efforts upang makaakit ng mas maraming Saudi tourists.

Dumalo rin sa mga pagpupulong si Philippine Ambassador to Saudi Arabia Raymond Balatbat, na ginanap kasabay ng 26th UN Tourism General Assembly sa Riyadh.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, na kasalukuyang nakatalaga sa post-typhoon assessment sa Negros Island Region, prayoridad ng DOT ang pagpapahusay ng accessibility at mas matibay na kooperasyon sa mga kasosyo sa Saudi Arabia.

Sinabi ni Frasco na patuloy na tumataas ang interes ng mga Saudi travelers sa Pilipinas dahil sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino, abot-kayang halaga, mahusay na English-speaking service culture, at pinalawak na Halal-friendly tourism infrastructure.

Sa datos ng DOT, umabot sa USD 37.86 million ang tourism receipts mula sa Saudi market noong 2024—46% na tumaas kumpara noong 2023.

Inihayag din ni Frasco na dalawang bagong direktang ruta, ang Riyadh–Cagayan de Oro at Riyadh–Zamboanga, ay ilulunsad sa 2025, bilang karagdagan sa kasalukuyang Riyadh–Manila at Jeddah–Manila flights.