-- Advertisements --

Binalaan ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City Rep. Edgar Erice ang publiko hinggil sa bilyun-bilyong pisong unprogrammed appropriations na nakapaloob sa panukalang 2026 national budget.

Ayon sa kanya, may halos P243 bilyon na unprogrammed funds na maaaring gastusin nang walang malinaw na pinagkukunan ng kita, bagay na tinawag niyang labag sa Konstitusyon.

Nagbabala si Erice na kung hindi ito ibe-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., magsasampa siya ng petisyon sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang legalidad ng mga naturang probisyon.

Nakatakdang lagdaan ng Pangulo bukas, Enero 5, 2026, ang P6.793 trilyong pambansang pondo na pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.

Samantala, ayon sa People’s Budget Coalition, may tinatayang P633 bilyon na pork items sa badyet na posibleng magamit sa patronage politics at katiwalian.

Dahil hindi naihabol ang pagpirma bago matapos ang 2025, nagkaroon ng reenacted budget sa mga unang araw ng 2026 habang hinihintay ang pirma ng Pangulo.

Sa kabila ng mga babala, iginiit ng administrasyon na ang bagong pondo ay magbibigay ng suporta sa imprastruktura, serbisyong panlipunan, at mga programang pangkaunlaran para sa mamamayan.