-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na hindi papayag ang Senado na ma-reenact sa 2026 ang 2025 national budget na inilarawa niyang “corrupt to the core.”

Ayon kay Lacson, ito ang dahilan kung bakit nagpapatupad ang mataas ng kapulungan ng mga hakbang para matiyak ang transparency sa pagtalakay ng panukalang budget, kabilang ang pag-livestream ng bicameral conference committee.

Giit ng senador, kailangang baguhin ng Senado ang iskedyul ng deliberasyon  matapos lumabas ang ilang isyu habang tinatalakay ang panukala.

Tinukoy niya ang pagpapalawig ng deliberasyon sa general principles ng budget mula isang araw tungo sa tatlong araw—pati na ang mga isyung lumutang sa pagtalakay ng budget ng National Irrigation Administration (NIA).

Gayunman, sinabi ni Lacson na may posibilidad na mapabilis ang proseso dahil sa mga repormang kanilang ipinapatupad, kabilang ang livestreaming ng bicam at ang pagbabawal ng “alien” items, dahil makapipigil ito sa mga insertion sa panukalang batas.