Inanunsyo ni Caloocan Representative Edgar Erice na kakwestiyunin niya ang konstitusyonalidad ng Unprogrammed Funds (UF) sa panukalang 2026 General Appropriations Act (GAA).
Binigyang-diin niya na handa siyang dalhin ang usapin sa Korte Suprema kung ipipilit ng Kongreso na ipasa ang budget na may ganitong alokasyon.
Giit ni Erice, tama na ang palusot dahil ang Unprogrammed Funds ay labag sa Konstitusyon at nililinlang ang publiko sa mga maling pangako ng pondo.
Binanggit ni Rep. Erice ang Section 22, Article VII ng 1987 Konstitusyon na nag-uutos na dapat magsumite ang Pangulo ng Budget of Expenditures and Sources of Financing (BESF) sa loob ng 30 araw ng regular session ng Kongreso, at ang GAA ay dapat nakabase rito.
Paliwanag ni Erice, walang tiyak na pinagkukunan ang Unprogrammed Funds. Kung walang malinaw na pinagkukunan ng pondo, hindi ito maaaring aprubahan ng Kongreso ayon sa Konstitusyon.
Binigyang-diin ng beteranong mambabatas na ang UF ay naglilipat ng kapangyarihan ng Kongreso sa pangangasiwa ng pondo sa Executive branch.
Dagdag pa ni Erice, hindi maaaring ipasa ng Kongreso ang tungkulin nitong magkontrol sa pondo sa pamamagitan ng pagbigay ng ‘blank checks’ na tinatawag na Unprogrammed Funds.
Pinaliwanag ni Erice na ang UF ay nagdudulot lamang ng ilusyon na maaaring pondohan ang mga proyekto sa pamamagitan ng di-tiyak na “savings,” “bagong kita,” o “bagong pautang.”
Binigyang-diin ni Rep. Erice na ang pagtanggal ng UF sa GAA ay usapin ng katapatan sa Konstitusyon at moral na pananagutan, at handa siyang humingi ng tulong sa Korte Suprema kung kinakailangan.
















