-- Advertisements --

Napatay sa isinagawang hot pursuit operation kagabi ang lalaking itinuturong isa sa mga suspek sa paghagis ng granada noong New Year’s Eve sa Barangay Dalapitan, Matalam, Cotabato, na ikinasugat ng 22 katao.

Kinilala ang suspek na si Hammad Ansa, 40 taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 6, Barangay Kilada, Matalam.

Sa panayam ng Bombo Radyo Gensan, kinumpirma ni PBrig. Gen. Arnold Ardiente, Regional Director ng Police Regional Office 12, na nanlaban umano ang suspek kaya’t napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok.

Nagpatupad na ng mas mahigpit na seguridad sa lugar habang patuloy na tinutugis ang isa pang kasabwat ng suspek na tukoy na rin ng PNP.

Napag-alaman na sangkot umano sa bentahan ng ilegal na droga ang mga suspek, bagay na itinuturong motibo ng krimen.

Ayon kay Ardiente, posibleng ganti ito sa mga operasyon na inilulunsad ng Cotabato Provincial Police Office laban sa kanilang grupo.