Nagsumite ng omnibus motion si Atty. Eldrige Marvin Aceron sa Senate Ethics Committee, na nagsasaad ng “transactional” umanong relasyon nina Sen. Francis Escudero at kontratista na si Roberto Lubiano bago pa ang panunungkulan ng mambabatas bilang gobernador ng Sorsogon mula 2019 hanggang 2022.
Ayon kay Aceron, habang si Escudero ay gobernador ng Sorsogon, ang Metroways Health care and Medical System ni Lubiano ay nanalo sa kontrata ng gobyerno noong 2021.
Habang mula Disyembre 2021 hanggang Mayo 2022, nakapag-donate umano ito ng P30 million sa kampanya ni Escudero sa pagtakbong senador.
Mula 2022-2025, ang Centerways Construction ay nanalo rin umano ng P16,670,000,000 sa mga kontrata ng Department of Public Works and Highways na nakatutok sa Sorsogon.
“This is not a case of a politician accepting a donation from a friend, then that friend’s company coincidentally winning contracts later. This is a case of a contractor winning government contracts under a Governor’s administration, that contractor then donating ?30 million to that Governor’s Senate campaign, and that contractor’s other companies then winning billions more after the Governor becomes Senator,” giit ni Aceron.
Naninindigan si Aceron na ang pag-angkin ni Escudero sa pagtanggap ng donasyon batay sa “pagkakaibigan” ay hindi sapat na due diligence sa ilalim ng RA 6713.
Ayon pa sa mosyon, ang P35,070,000 accounting discrepancy sa SEC filings ng Centerways Construction ay dapat na ipaliwanag.
Hiling din niya sa sa Senate Ethics Committee na pabilisin ang referral ng complaint laban kay Escudero, isubpoena ang mga financial records ng dalawang kumpanya, pati ang personal financial records ni Lubiano, BIR records na nagpapakita ng dividend declarations at shareholder transactions, at records ng Provincial Government of Sorsogon mula 2019 – 2022 na makikita ang mga kontratang nai-award sa 2 kumpanya ni Lubiano.
Giit din niya na magsagawa ng pagdinig upang matukoy ang mga potensyal na paglabag.
Binigyang-diin ni Aceron ang pangangailangan ng impartiality sa proseso ng ethics complaint.
Patuloy namang hinihintay ang tugon dito ng kampo ng dating Senate president.