-- Advertisements --
omicron variant

Hanggang sa ngayon ay wala pa raw nade-detect na Omicron variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.

Pero ayon kay Philippine Genome Center (PGC) Executive Director Cynthia Saloma, hindi nila inaalis ang posibilidad na baka nakapasok na sa bansa ang naturang variant ng nakamamatay na virus.

Una rito, sinabi ni Saloma na nasa 18,000 samples na raw ang kanilang isinailalim sa genome sequencing.

Aniya, hanggang hindi lumalabas ang resulta ng sequencing sa mga samples ay hindi talaga nila masasabi kung nakapasok na sa borders ng bansa ang Omicron variant.

Sa ngayon, patuloy pa ring hinihintay ng Malacañang ang resulta ng genome sequencing sa mga samples na kinuha sa tatlong travellers mula sa South Africa, Burkina Faso at Egypt.

Ang mga travellers ay nag-positibo sa COVID-19 pero hindi pa tukoy kung anong variant ito ng COVID-19.

Kasabay nito, hinimok ng PGC official ang mga local government units (LGUs) na magsumite ng samples mula sa kanilang mga laboratoryo kapag naobserbahan nilang dumami ang kaso ng covid sa kanilang lugar.

Muli ring pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na laging panatilihin ang minimum health standards gaya ng pagsusuot ng face masks at pagsunod sa physical distancing.