-- Advertisements --

Iginiit ni Sen. Erwin Tulfo na wala siyang balak tumakbo sa 2028 national elections, kasunod ng mungkahing “Leni-Erwin” tandem laban kay Vice President Sara Duterte na naghain na ng intensyong tumakbo sa pagkapangulo.

Ayon kay Tulfo, bagama’t nakakataba ng puso ang suhestiyon, wala siyang plano na pumasok sa mas mataas na posisyon. Aniya, hindi pa tapos ang 2025 ay kaliwa’t kanan na ang batikos at mga kasong kinaharap nila, kaya ayaw na umano ng kanilang pamilya ng panibagong gulo.

Sinabi rin niyang napag-usapan na nila ng kapatid na si Sen. Raffy Tulfo na hindi rin ito tatakbo sa mas mataas na puwesto sa 2028 at re-election lamang ang target.

Para kay Tulfo, nakasalalay kay dating Vice President Leni Robredo kung muli itong tatakbo sa pagkapangulo at kung sino ang pipiliin nitong maging running mate. Iminungkahi niya ang ilang pangalan tulad nina Sen. Bam Aquino at Sen. Risa Hontiveros bilang mas angkop na maaaring maging ka-tandem ni Robredo.

Gayunman, muling iginiit ni Tulfo na sa ngayon ay wala siyang planong tumakbo at mas pinipiling umiwas sa panibagong kontrobersiya. (report by Bombo Jai)