-- Advertisements --

Itinanggi ng bagong talagang Ombudsman na si Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na gagamitin ang bago nitong posisyon upang kalabanin ang kampo ng mga Duterte.

Ayon kay newly appointed Ombudsman Boying Remulla, hindi aniya magagamit ang opisina nito para lamang makasuhan ang di’ kampi ng administrasyong kasalukuyan.

Ito’y taliwas sa mga naunang pahayag ng kanyang kritiko halimbawa ni Senadora Imee Marcos na naniniwalang motibo sa pagiging Ombudsman nito na atakihin ang mga Duterte kasama pati mga kaalyado.

Ngunit ayon naman kay Ombudsman Remulla, makikita naman sa kanyang ginawang prayoridad bilang kalihim kung papaano niya hinarap ang ganitong mga paratang.

Kanyang binigyang diin na kanya umanong itinanggal o nilabanan sa Department of Justice ang weaponization ng batas.

Kung kaya’t pangako ni Remulla na hindi magagamit o mawe-weaponize ang Ombudsman sa kanyang pamumuno rito bilang bagong opisyal ng tanggapan.

“Alam niyo non’ naging DOJ secretary ako, ang unang-una kong tinanggal, weaponization ng batas. And ah it will not be weaponized, sisiguraduhin ko sa lahat ‘yan. Wala itong sisinuhin,” ani Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.

“Ang trabaho ng Ombudsman para sa buong Pilipinas, hindi sa isang kampo ng pulitika kaya wala tayong sisinuhin dito,” dagdag pa ni Ombudsman Remulla.

Habang kanya namang sinabi na sa pagkakatalaga bilang Ombudsman, bubuklatin aniya maging ang isyu sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte

Ayon kay Ombudsman Boying Remulla, pag-aaralan niya ang naturang isyu o kasong kinakaharap ng ikalawang pangulo.

Maaalala na nitong nakaraan ay isinumite ng House Committee on Good Governance and Public Accountability ang committee report nito sa Ombudsman laban kay Vice President Sara Duterte ukol sa umano’y hindi wastong paggamit sa pondo ng Department of Education.

Inirerekumenda nilang makasuhan ito ng reklamo sa alegasyong technical malversation, perjury, bribery at plunder kaugnay sa kontrobersyal na confidential funds nito.

Samantala binigyang diin naman ni Ombudsman Remulla na lahat ng ahensiya ng gobyerno ay kanyang bibigyang atensyon na silipin upang matutukan.

Bilang tanod-bayan, wala aniyang espesyal na sangay na pamahalaan ang lusot sa pananagutan lalo na sa pagsunod ng mga ito sa mandata ng saligang batas.

Ito aniya raw ang nakasaad at layon ng mga nagbalangkas ng konstitusyon sa responsibilidad na dapat gampanan ng Office of the Ombudsman.