-- Advertisements --

Pormal nang natanggap ng Office of the Ombudsman ang panibagong ‘joint referral’ mula sa Department of Public Works and Highways at Independent Commission for Infrastructure ngayong araw.

Personal pa itong isinumite nina ICI Chairman Andres Reyes at Public Works Sec. Vince Dizon kay Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.

Kalakip ng rekomendasyon, kapansin-pansin ang aabot sa dalawampung kahon naglalaman ng mga dokumento bilang ebidensya.

Ayon kay Ombudsman Jesus Remulla, matapos ang ebalwasyon na tatagal lamang ng ilang oras, kanilang isasailalim ang naturang rekomendasyon sa ‘fact finding’.

Malaking tulong aniya ito sapagkat ang ilan sa mga inirerekumendang makasuhan ay kanila ng iniimbestigahan.

Sa ipinasang ‘joint referral’ ng komisyon at kagawaran, kanilang inirerekumendang mapakasuhan sa Ombudsman ang walong itinuturing bilang ‘cong-tractors’.

Inilahad mismo ni Public Works Secretary Vince Dizon ang mga ngalan ng tinaguriang ‘cong-tractors’ kung saan kabilang rito ang dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list na si Zaldy Co.

Batay sa ebidensyang nakalap tulad ng mga kontra at patunay na sila’y nagmamay-ari ng ‘construction company’, iba’t ibang mga kaso ang kanilang inirerekumendang maisampa ng Ombudsman.

Aniya’y nais nilang mapakasuhan ang mga ito ng graft, plunder, direct bribery, conflict of interest, at paglabag sa Government Procurement Act.

Dahil rito’y ibinahagi naman ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kanilang hiniling na rin sa Bureau of Immigration na mapigilan ang mga sangkot na makalabas ng bansa.

Nagpala aniya ito ng sulat para mag-isyu ng Foreign Travel Restriction Order laban sa 77-indibidwal kasalukuyang isinasailalim sa fact-finding.