Sinabi ng abogado ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang nitong Biyernes na pinayuhan niya ang kanyang kliyente na huwag munang sumuko sa mga awtoridad hangga’t hindi pa nauubos ang lahat ng legal remedies na maaaring ihain sa korte.
Sa isang panayam, iginiit ni Atty. Gabriel Villareal na hindi dapat ituring na kriminal si Ang dahil hindi pa ito nalilitis at hindi pa nahatulan.
Ayon pa kay Villareal, sa ngayon hindi makatuwiran kung susuko ang kanyang kliyente.
Ginawa ng abogado ang pahayag, kasunod ng pag-aalok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P10 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa pagkakaaresto ni Ang kaugnay ng pagkawala ng ilang dosenang mga sabungero.
Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na itinuturing na “armed and dangerous” si Ang base sa intelligence reports na nagsasabing may kasama umano itong hindi bababa sa 20 bodyguard.
Mariin namang tinanggi ng abogado ang naturang alegasyon at sinabing walang sapat na batayan ang pagturing kay Ang bilang mapanganib. Aniya, delikado at nakakabahala ang ganitong mga pahayag mula sa gobyerno.
Dagdag pa niya, tila umano nagiging dahilan na ito upang palabasing nanlaban si Ang sakaling magkaroon ng engkuwentro sa mga awtoridad.
Ayon kay Atty. Villareal naghain na siya ng omnibus motion sa Regional Trial Court ng Sta. Cruz upang muling pag-aralan at bawiin ang mga warrant of arrest na inilabas laban kay Ang at sa 17 iba pang pinahuhuli ng korte.
Samantala, naglabas narin ng panibagong warrant of arrest ang Lipa Regional Trial Court Branch 13 laban kay Ang at iba pang sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Base sa kopya ng warrant of arrest na inilabas ng korte, muling nahaharap si Ang sa anim na bilang ng kasong kidnapping with homicide.
















