Nagbabala ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na walang pag-aalinlangan silang aarestuhin ang sinumang lalabag sa batas at hahadlang sa kanilang operasyon para madakip ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Ang mariing babalang ito ay nagmula mismo kay CIDG Director Police Major General Robert Alexander Morico II.
Aminado si PMGen. Morico na nahaharap sila sa mga pagsubok sa pag-aresto kay Ang, pangunahin na dahil sa malawak nitong impluwensiya sa iba’t ibang sektor.
Kaugnay nito, ipinaalala ng CIDG sa publiko na nagpalabas na ang Laguna Regional Trial Court (RTC) Branch 26 ng isang mandamyento de aresto laban kay Ang.
Ang nasabing mandamyento ay may kaugnayan sa kasong Kidnapping with Homicide na isinampa laban sa kanya, na may koneksyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon pa kay Morico, ang sinumang mapatunayang pumipigil o humahadlang sa pag-aresto kay Ang ay mahaharap sa kasong obstruction of justice.
Binigyang-diin niya na ito ay lalo nang totoo kung ang mga indibidwal na ito ay may kaalaman sa mga lokasyon ng mga ari-arian ni Ang, na matatagpuan sa iba’t ibang lugar tulad ng Metro Manila, CALABARZON, at Palawan.














