-- Advertisements --

Nagpaliwanag si Atty. Gabriel Villareal, lead counsel at tagapagsalita ni Charlie “Atong” Ang, na pansamantala siyang hindi humaharap sa media upang hindi maapektuhan ang mga legal na hakbang na isinusulong para sa kanyang kliyente.

Ayon kay Villareal, maglalabas na lamang ang kanyang opisina ng opisyal na pahayag kung kinakailangan upang magbigay ng update sa kaso.

Inihayag din niya na ngayong araw ay magsusumite ang depensa ni Ang ng Omnibus Motion upang ipawalang-bisa ang warrant of arrest na inilabas ng korte sa Laguna kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.

Umaasa ang kampo ni Ang na agad na magtakda ng pagdinig ang korte sa kanilang mosyon sa susunod na linggo.

Giit ni Villareal, minadali ang paglalabas ng arrest order at lumabag ito sa karapatan ng kanyang kliyente dahil kulang ang impormasyon na ibinigay ng Department of Justice.

Ipinaliwanag din ng abogado na abala siya sa paghahanda ng mahahalagang legal na dokumento kaya’t hindi muna siya makakatugon sa pagtatanong.

Gayunpaman, tiniyak ni Villareal na pinahahalagahan nila ang pagsisikap na marinig ang panig ni Ang at magiging bukas siya sa mga panayam kapag natugunan na ang pangangailangan ng kanyang kliyente.